Pages

Monday, October 1, 2012

Ako si Camille, Laking San Pedro.

♫♪ Sana'y di nagmaliw ang dati kong araw 
Nang munti pang bata sa piling ni nanay 
Nais kong maulit ang awit ni inang mahal 
Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan ♪♪♫ 

Madaming tanong sa utak ko, mga "ano kaya kung.....", mga tunog ng pagsisisi sa mga bagay na wala naman talaga ako magagawa noon at mga bagay na hindi na mababalik o mababago pa man ngayon. 

Lumaki ako sa isang bayan na kadikit lang ng ka-Maynilaan. San Pedro, Laguna. Isa sa pinagtataka ko sa lugar na toh eh yung dalawang malaking puting tandang na sasalubong sayo bago ka pa man makapasok sa bayan. Kase... ganito yun... mukha silang tandang, pero sa nakikita ko, nakaupo silang dalawa sa itlog. Kaya medyo nalilito na talaga ako kung tandang ba talaga sila o inahin. Kung may konek man sila kay San Pedro, baka mga manok sila nito.

Madalas kapag sinabing Laguna, probinsyang probinsya agad ang tunog ng lugar, pero iba ang San Pedro. Nakadikit kame sa NCR dahil kame na ang kasunod na bayan pagkatapos na pagkatapos ng Muntinlupa, Alabang. Kaya karamihan sa mga nakatira sa lugar namin walang problema kahit araw-araw pumunta ng Maynila para pumasok sa school o sa trabaho.

Hindi ako laking Jollibee di tulad ng karamihan, laking Mcdo ako. Mas malapit kase yun kaysa sa Jollibee na nasa bayan pa. Yun lang ang landmark na lagi ko sinasabi sa mga kaibigan ko kung gusto nila pumunta sa bahay namin, kase nag-iisang McDonalds lang yun sa lugar namin.

♫♪ Sa aking pagtulog na labis ang himbing 
Ang bantay ko'y tala, ang tanod ko'y bituin 
Sa piling ni nanay, langit ay buhay 
Puso kong may dusa sabik sa ugoy ng duyan ♪♫

Mga pitong taong gulang siguro ako, nakaupo at nakadungaw ako sa ilalim ng blue na gate ng bahay ng bespren ko. Hindi pa kase siya pwede lumabas, kaya sinusubukan ko na lang siya kausapin sa parte ng gate na pwede ko siya masilayan kahit konti. Nakahawak ako sa mga rehas nung gate na parang tanga, nang biglang isang bata pa ang tumabi sa kin at biglang nanukso, "ah tabachoy! tabachoy! tabachoy! tabachoy!" Oo, mataba na talaga ako dati pa. At oo,  di ko napigilan ang kabadtripan na nadama ko noon. Nagtatakbo ako pauwi sa bahay namin na hindi naman kalayuan at nagsumbong sa Nanay ko na handang handa naman sumugod sa batang nang-api sa kin.

Lumaki ako sa isang subdivision, Olivarez Compound. Dun kame sa Phase 6, sa Love Street. Sementado at tahimik ang lugar, mapa-umaga, tanghali o gabi. Sementado, kaya mabenta ang chalk, pwede ka mag-ala-Michael Angelo sa kalsada. Tahimik, pero yaan mo, di ka naman ma-rarape sa mga talahiban dahil wala namang talahiban doon. Wala ng talahiban kase ginawa itong basketball court. Dito ginaganap ang mga maliit na fiesta sa subdivision namin at mga pabasa. Syempre sa malamang, mga liga sa lugar namin dito rin. Lumaki ako sa panahon na lahat ng bata ay hayok na hayok lumabas kapag hapon para maglaro ng piko, ten-twenty, patintero, langit-lupa, pepsi-seven-up, bahay-bahayan, away-awayan, basketball, at kung anu-anong kalokohan. Masaya pa nung mga panahon na hindi pa pina-padlock yung court at malaya ka makakapaglaro sa loob nito kahit anong oras. Ngayon wala ng mga liga, wala nang mga fiesta, wala ng mga bata sa lansangan, pero may pabasa pa din.

♫♪ Sana'y di nagmaliw ang dati kong araw 
Nang munti pang bata sa piling ni nanay 
Nais kong maulit ang awit ni inang mahal 
Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan ♪♫

Laging nag-aaway ang mga magulang ko, at nung paslit pa ko iniiyakan ko lahat ang pag-aaway nila, hanggang sa nagsawa na ko. Maraming sigawan ang nangyayari sa loob ng bahay namin nung nagdadalaga na ko. Wala pa akong muwang sa tama o mali. Nagrerebelde. Naghahanap sa sarili. 

Medyo huli na nung nag-mature ako. Paalis na magulang ko papunta sa ibang bansa. Pero bago yun, alam ko naging masaya pa kame, alam ko naging buo pa kame. Nagsisimba pa kame ng sama-sama sa bayan kada Linggo, dun sa Our Lady of Lourdes, katabi lang yun ng skwelahan  ko. Alam ko.... masaya kame nun, buo kame. Yun lang yata ang pinaka-natatandaan kong panahon na naging masaya kame. Bakit hindi na lang maging ganun ngayon..? Bakit hindi na lang maging ganun ulit? Bakit wala na akong maalalang iba pang masayang pagkakataon? Siguro masyado akong busy sa sarili ko bago pa ako nagkaroon ng panahon para sa pamilya ko..

♫♪ Sa aking pagtulog na labis ang himbing 
Ang bantay ko'y tala, ang tanod ko'y bituin 
Sa piling ni nanay, langit ay buhay 
Puso kong may dusa sabik sa ugoy ng duyan ♪♫

Alam ko, nung unang beses na kinanta toh sa kin ni Mama, hindi ko na talaga magugustuhan tong kantang toh. Sa kasalukuyan, hindi na kame nakatira dun sa bahay namin sa Olivarez... sa San Pedro. Wala ng nakatira doon. Pero sabi nung pinsan ko meron na daw nakatira doong iba. Ibang nilalang.

Ngayon, balik na naman ako sa tanong na... ano kaya kung? Ano kaya kung uso pa rin ang chalk at garter? Siguro marami pa rin naglalarong bata sa labas ng bahay namin. Ano kaya kung hindi masyado chismosa ang mga kapitbahay namin? Nyeh.. imposibleh yata. Ano kaya kung hindi na lang umalis ang mga magulang ko pa-abroad? Nakatira pa kaya kame sa bahay na yun? Ano kaya kung maaga ako nagmature? Mas madami pa kayang masasayang ala-ala ang maiisip ko ngayon? Ano kaya kung.. ano kaya kung.. ano ano ano! ANO KAYA!

♫♪ Nais kong matulog sa dating duyan ko, inay 
Oh! inay ♪♫

Mga tunog ng pagsisisi sa mga bagay na wala naman talaga ako magagawa noon at mga bagay na hindi na mababalik o mababago pa man ngayon. 


**********
Itong akda na ito ay lahok sa
Ang Saranggola Blog Awards 2012
(Ikaapat)


at ito ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng


Maraming salamat din daw sa mga sponsor:









2 comments:

  1. at entry pala ire marekoy. gudlak dine.

    madalas ko din maisip ang naging kabataan ko o kamusmusan ko noon at gusto ko din sana ikwento, siguro eh next time na lamang

    magkalapit lamang ang lugar natin, sa cavite naman ako. noong kolehiyo ako, may naging kaklase ko na taga san pedro. narating ko na ang lugar pero hindi ko na matandaan.

    magandang araw marekoy :)

    ReplyDelete
  2. wow... ang sarap talaga balikan ang ating kpaslitan... hihihi
    good luck sa ito...

    mabuhay!

    ReplyDelete

Anong meron?